Hunyo 1999, Pasukan – Ayon sa Mama ko, walang mabuting maidudulot ang pagkuha ko ng agham pampulitika bilang kurso sa kaleyds. Wala naman daw pera doon pagkatapos kong mag-aral ng apat na taon. Dapat daw ay business course ang kunin ko, o kaya naman ay engineering, basta yung siguradong may trabaho at maayos ang sweldo kapalit ng sandamakmak na gastos sa kolehiyo. Sa hirap pa naman daw ng buhay. E hindi naman kami mayaman para may pantustos pa sa pag-aaral ng abugasya kagaya ng gusto kong mangyari pag natapos na ako ng B.A. Political Science. Hah, walang nagawa ang mama ko. Bumigay na lamang sya sa kagustuhan ng isang 4th year high school student na walang kamuwang muwang sa mundo. Siguro naisip nya na ako naman ang bubuno sa mga problemang ginawa ko. O naisip nya siguro na likas akong rebelde. Kung anupaman yun, di na mahalaga.

November 2003, Panahon ng pag-apply para sa admission sa College of Law – “Ayoko na!” sabi ko sabay tapon ng application form sa basurahan. Pwedeng gusto ko lang magtrabaho pagkatapos mag-aral ng apat na taon. Pwedeng takot lang ako na di pumasa sa terror na exam ng UP Law. Pwedeng sa edad bente, di ko lang talaga alam kung ano ang gusto ko sa buhay.

Marso 2006, Sa ilalim ng undeclared Martial Law ni GMA – “Glen, bakit naman ganyan ang mga kaklase mo? Wala na ba silang pakialam sa mga nangyayari sa paligid nila?” puno ang paghihinagpis na tanong ng isa kong kaibigan pagkatapos masilip ang kasalukuyang pinahahalahagahan ng aking dating mga kaklase – pangungolekta ng designer shoes, pagkakaroon ng trabahong mataas ang sweldo, pagbili ng condominium unit, pagbili ng kotse at pagpapayaman period.

“Hindi ko alam,” sagot ko. Sa tingin ko hindi ko nasagot ng maayos ang tanong nya. Sa tingin ko hindi naman sya naghahanap ng kasagutan e. Gusto nya lang maglabas ng frustrations nya dahil sa ang malimit na pokus na ng mga kabataan ngayon ay mga bagay na nakatuon lamang sa pansarili nilang pag-unlad.

Noong Marso 18 binaril at pinatay ng nakamotorsiklong lalaki ang isang estudyanteng aktibista. Isang batang batang lider na ang natatanging “krimen” ay pakikibaka para sa tunay na kalayaan at hustisya. Krimen ito para sa mga taong nakaluklok sa poder na ayaw madiskaril ang kasalukuyang gumugulong na sistema ng kapangyarihan at ayaw managot sa kanilang pandarahas at panunupil sa mga mamamayan.

Sa kalakarang ito, saan ang lugar ng kabataan? Gusto kong ulitin ang tula ni Eman Lacaba, isang manunulat, makata at aktibista. Bente syete sya ng ilikida ng gobyernong Marcos noong panahon ng Martial Law.

“You want to know, companions of my youth.

How much has changed the wild but shy young

poet

Forever writing last poem after last poem;

You hear he’s dark as earth, barefoot,

A turban round his head, a bolo at his side,

His ballpen blown up to a long ­barreled gun:

Deeper still the struggling change inside.”

Saan tayo kukuha ng lakas? Muli, galing sa isang tula ni Lacaba na hinalaw naman ng isang kabataan sa UP…

“… kung mamamatay tayo,
huwag tayong mamatay na parang mga langgam
na sa isang tapak lamang
ay agad nililisan ng kanilang hininga.
Sa halip, mamatay tayong tila mga tangkay
ng rosas
na bago mabali ng tampalasang kamay
ay nagpapadugo muna
sa palad nito.”